1 |
At ako, mga kapatid, ay hindi nakapagsalita sa inyo na tulad sa mga nasa espiritu, kundi tulad sa mga nasa laman, tulad sa mga sanggol kay Cristo. |
2 |
Kinandili ko kayo ng gatas, at hindi ng lamang-kati; sapagka't kayo'y wala pang kaya noon: wala, na ngayon pa man ay wala kayong kaya; |
3 |
Sapagka't kayo'y mga sa laman pa: sapagka't samantalang sa inyo'y may mga paninibugho at mga pagtatalo, hindi baga kayo'y mga sa laman, at kayo'y nagsisilakad ayon sa kaugalian ng mga tao? |
4 |
Sapagka't kung sinasabi ng isa, Ako'y kay Pablo; at ng iba, Ako'y kay Apolos; hindi baga kayo'y mga tao? |
5 |
Ano nga si Apolos? at Ano si Pablo? Mga ministro na sa pamamagitan nila ay nagsisampalataya kayo; at sa bawa't isa ayon sa ipinagkaloob ng Panginoon sa kaniya. |
6 |
Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig; nguni't ang Dios ang siyang nagpalago. |
7 |
Ano pa't walang anoman ang nagtatanim, ni ang nagdidilig; kundi ang Dios na nagpapalago. |
8 |
Ngayon ang nagtatanim at ang nagdidilig ay iisa: nguni't ang bawa't isa ay tatanggap ng kaniyang sariling kagantihan ayon sa kaniyang sariling pagpapagal. |
9 |
Sapagka't tayo ay mga kamanggagawa ng Dios: kayo ang bukid ng Dios, ang gusali ng Dios. |
10 |
Ayon sa biyaya ng Dios na ibinigay sa akin, na tulad sa matalinong tagapagtayo ay inilagay ko ang pinagsasaligan; at iba ang nagtatayo sa ibabaw nito. Nguni't ingatan ng bawa't tao kung paano ang pagtatayo niya sa ibabaw nito. |
11 |
Sapagka't sinoman ay hindi makapaglalagay ng ibang pinagsasaligan, kundi ang nalalagay na, na ito'y si Cristo Jesus. |
12 |
Datapuwa't kung ang sinoma'y magtatayo sa ibabaw ng pinagsasaligang ito ng ginto, pilak, mga mahahalagang bato, kahoy, tuyong dayami; |
13 |
Ang gawa ng bawa't isa ay mahahayag: sapagka't ang araw ang magsasaysay, sapagka't sa pamamagitan ng apoy inihahayag; at ang apoy rin ang susubok sa gawa ng bawa't isa kung ano yaon. |
14 |
Kung ang gawa ng sinoman ay manatili, na kaniyang itinayo sa ibabaw niyaon, siya'y tatanggap ng kagantihan. |
15 |
Kung ang gawa ng sinoman ay masunog, ay malulugi siya: nguni't siya sa kaniyang sarili ay maliligtas; gayon ma'y tulad sa pamamagitan ng apoy. |
16 |
Hindi baga ninyo nalalaman na kayo'y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo? |
17 |
Kung gibain ng sinoman ang templo ng Dios, siya'y igigiba ng Dios; sapagka't ang templo ng Dios ay banal, na ang templong ito ay kayo. |
18 |
Sinoma'y huwag magdaya sa kaniyang sarili. Kung ang sinoman sa inyo ay nagiisip na siya'y marunong sa kapanahunang ito, ay magpakamangmang siya, upang siya ang maging marunong. |
19 |
Sapagka't ang karunungan ng sanglibutang ito ay kamangmangan sa Dios. Sapagka't nasusulat, Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan: |
20 |
At muli, Nalalaman ng Panginoon ang pangangatuwiran ng marurunong, na pawang walang kabuluhan. |
21 |
Kaya't huwag ipagmamapuri ninoman sa mga tao, Sapagka't ang lahat ng mga bagay ay sa inyo. |
22 |
Kahit si Pablo, kahit si Apolos, kahit si Cefas, kahit ang sanglibutan, kahit ang buhay, kahit ang kamatayan, kahit ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating; lahat ay sa inyo: |
23 |
At kayo'y kay Cristo; at si Cristo ay sa Dios.
|
Standard Bible |
Public Domain |