1 |
Aking aawitin ang kagandahang-loob ng Panginoon magpakailan man: aking ipababatid ng aking bibig ang iyong pagtatapat sa lahat ng sali't saling lahi. |
2 |
Sapagka't aking sinabi, Kaawaan ay matatayo magpakailan man: ang pagtatapat mo'y iyong itatatag sa mga kalangitlangitan. |
3 |
Ako'y nakipagtipan sa aking hirang, aking isinumpa kay David na aking lingkod; |
4 |
Ang binhi mo'y itatatag ko magpakailan man, at aking itatayo ang luklukan mo sa lahat ng sali't saling lahi. (Selah) |
5 |
At pupurihin ng langit ang iyong mga kababalaghan, Oh Panginoon; ang pagtatapat mo naman sa kapulungan ng mga banal. |
6 |
Sapagka't sino sa langit ang maitutulad sa Panginoon? Sino sa gitna ng mga anak ng makapangyarihan ang gaya ng Panginoon, |
7 |
Isang Dios na kakilakilabot sa kapulungan ng mga banal, at kinatatakutan ng higit sa lahat na nangasa palibot niya? |
8 |
Oh Panginoong Dios ng mga hukbo, sino ang makapangyarihang gaya mo, Oh JAH? At ang pagtatapat mo'y nasa palibot mo. |
9 |
Iyong pinagpupunuan ang kapalaluan sa dagat: pagka nagsisibangon ang mga alon niyaon ay pinatatahimik mo. |
10 |
Iyong pinagwaraywaray ang Rahab na parang napatay; iyong pinangalat ang iyong mga kaaway ng bisig ng iyong kalakasan. |
11 |
Ang langit ay iyo, ang lupa ay iyo rin: ang sanglibutan at ang buong narito ay iyong itinatag, |
12 |
Ang hilagaan at ang timugan ay iyong nilikha; ang Tabor at ang Hermon ay nangagagalak sa iyong pangalan. |
13 |
Ikaw ay may makapangyarihang bisig: malakas ang iyong kamay, at mataas ang iyong kanang kamay. |
14 |
Katuwiran at kahatulan ay patibayan ng iyong luklukan: kagandahang-loob at katotohanan ay nagpapauna sa iyong mukha. |
15 |
Mapalad ang bayan na nakakaalam ng masayang tunog: sila'y nagsisilakad, Oh Panginoon, sa liwanag ng iyong mukha. |
16 |
Sa iyong pangalan ay nangagagalak sila buong araw: at sa iyong katuwiran ay nangatataas sila. |
17 |
Sapagka't ikaw ang kaluwalhatian ng kanilang kalakasan: at sa iyong lingap ay matataas ang aming sungay. |
18 |
Sapagka't ang aming kalasag ay ukol sa Panginoon; at ang aming hari ay sa banal ng Israel. |
19 |
Nang magkagayo'y nagsalita ka sa pangitain sa iyong mga banal, at iyong sinabi, Aking ipinagkatiwala ang saklolo sa isang makapangyarihan; Aking itinaas ang isang hirang mula sa bayan. |
20 |
Aking nasumpungan si David na aking lingkod; Aking pinahiran siya ng aking banal na langis: |
21 |
Na siyang itatatag ng aking kamay; palakasin naman siya ng aking bisig. |
22 |
Hindi dadahas sa kaniya ang kaaway; ni dadalamhatiin man siya ng anak ng kasamaan. |
23 |
At ibubuwal ko ang kaniyang mga kaaway sa harap niya, at sasaktan ko ang nangagtatanim sa kaniya. |
24 |
Nguni't ang pagtatapat ko at ang kagandahang-loob ko ay sasa kaniya; at sa pangalan ko'y matataas ang kaniyang sungay. |
25 |
Akin namang ilalapag ang kaniyang kamay sa dagat, at ang kaniyang kanan ay sa mga ilog. |
26 |
Siya'y dadaing sa akin, Ikaw ay Ama ko, Dios ko, at malaking bato ng aking kaligtasan. |
27 |
Akin namang gagawin siyang panganay ko, na pinakamataas sa mga hari sa lupa. |
28 |
Ang kagandahang-loob ko'y aking iingatan sa kaniya magpakailan man, at ang tipan ko'y mananayong matibay sa kaniya. |
29 |
Ang kaniya namang binhi ay pananatilihin ko magpakailan man, at ang luklukan niya'y parang mga araw ng langit. |
30 |
Kung pabayaan ng kaniyang mga anak ang kautusan ko, at hindi magsilakad sa aking mga kahatulan; |
31 |
Kung kanilang salangsangin ang mga palatuntunan ko, at hindi ingatan ang mga utos ko; |
32 |
Kung magkagayo'y aking dadalawin ng pamalo ang kanilang mga pagsalangsang, at ng mga hampas ang kanilang kasamaan. |
33 |
Nguni't ang aking kagandahang-loob ay hindi ko lubos na aalisin sa kaniya, ni akin mang titiisin na ang pagtatapat ko'y magkulang. |
34 |
Ang tipan ko'y hindi ko sisirain, ni akin mang babaguhin ang bagay na lumabas sa aking mga labi. |
35 |
Minsan ay sumampa ako sa pamamagitan ng aking kabanalan. Hindi ako magbubulaan kay David; |
36 |
Ang kaniyang binhi ay mananatili magpakailan man; at ang kaniyang luklukan ay parang araw sa harap ko. |
37 |
Matatatag magpakailan man na parang buwan, at tapat na saksi sa langit. (Selah) |
38 |
Nguni't iyong itinakuwil at tinanggihan, ikaw ay napoot sa iyong pinahiran ng langis. |
39 |
Iyong kinayamutan ang tipan ng iyong lingkod: iyong nilapastangan ang kaniyang putong sa pagtatapon sa lupa. |
40 |
Iyong ibinuwal ang lahat niyang mga bakod: iyong dinala sa pagkaguho ang kaniyang mga katibayan. |
41 |
Lahat na nagsisidaan sa lansangan ay nagsisisamsam sa kaniya. Siya'y naging kadustaan sa kaniyang mga kalapit. |
42 |
Iyong itinaas ang kanan ng kaniyang mga kaaway; iyong pinagalak ang lahat niyang mga kaaway. |
43 |
Oo, iyong ibinaligtad ang talim ng kaniyang tabak, at hindi mo itinayo siya sa pakikibaka. |
44 |
Iyong pinapaglikat ang kaniyang kakinangan. At iyong ibinagsak ang kaniyang luklukan sa lupa. |
45 |
Iyong pinaikli ang mga kaarawan ng kaniyang kabinataan: iyong tinakpan siya ng kahihiyan. (Selah) |
46 |
Hanggang kailan, Oh Panginoon, magkukubli ka magpakailan man? Hanggang kailan magniningas ang iyong poot na parang apoy? |
47 |
Oh alalahanin mo kung gaano kaikli ang aking panahon: sa anong pagkawalang kabuluhan nilalang mo ang lahat ng mga anak ng mga tao. |
48 |
Sinong tao ang mabubuhay at hindi makakakita ng kamatayan, na magliligtas ng kaniyang kaluluwa sa kapangyarihan ng Sheol? (Selah) |
49 |
Panginoon, saan nandoon ang iyong dating mga kagandahang-loob, na iyong isinumpa kay David sa iyong pagtatapat? |
50 |
Alalahanin mo Panginoon, ang kadustaan ng iyong mga lingkod; kung paanong taglay ko sa aking sinapupunan ang pagdusta ng lahat na makapangyarihang bayan; |
51 |
Na idinusta ng iyong mga kaaway, Oh Panginoon, na kanilang idinusta sa mga bakas ng iyong pinahiran ng langis. |
52 |
Purihin ang Panginoon, magpakailan man. Siya nawa, at Siya nawa.
|
Standard Bible |
Public Domain |