A A A A A
Bible in one year
March 8

Numbers 13:1-33
1. At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2. Magsugo ka ng mga lalake na makakapaniktik sa lupain ng Canaan, na aking ibibigay sa mga anak ni Israel: isang lalake sa bawa't isa sa mga lipi ng kanilang mga magulang ay susuguin ninyo, na bawa't isa'y prinsipe sa kanila.
3. At sinugo sila ni Moises mula sa ilang ng Paran ayon sa utos ng Panginoon: silang lahat ay mga lalaking pangulo sa mga anak ni Israel.
4. At ito ang kanilang mga pangalan: sa lipi ni Ruben, ay si Sammua na anak ni Zaccur.
5. Sa lipi ni Simeon, ay si Saphat na anak ni Huri.
6. Sa lipi ni Juda, ay si Caleb na anak ni Jephone.
7. Sa lipi ni Issachar, ay si Igal na anak ni Jose.
8. Sa lipi ni Efraim, ay si Oseas na anak ni Nun.
9. Sa lipi ni Benjamin, ay si Palti na anak ni Raphu.
10. Sa lipi ni Zabulon, ay si Gaddiel na anak ni Sodi.
11. Sa lipi ni Jose, sa makatuwid baga'y sa lipi ni Manases, ay si Gaddi na anak ni Susi.
12. Sa lipi ni Dan, ay si Ammiel na anak ni Gemalli.
13. Sa lipi ni Aser, ay si Sethur, na anak ni Michael.
14. Sa lipi ni Nephtali, ay si Nahabi na anak ni Vapsi.
15. Sa lipi ni Gad, ay si Geuel na anak ni Machi.
16. Ito ang mga pangalan ng mga lalake na sinugo ni Moises upang tiktikan ang lupain. At tinawag ni Moises na Josue ang anak ni Nun na si Oseas.
17. At sinugo sila ni Moises upang tiktikan ang lupain ng Canaan, at sinabi sa kanila, Sumampa kayo rito sa dakong Timugan at umakyat kayo sa mga bundok:
18. At tingnan ninyo ang lupain, kung ano; at ang bayan na tumatahan doon, kung sila'y malakas o mahina, kung sila'y kaunti o marami;
19. At kung ano ang lupain na kanilang tinatahanan, kung mabuti o masama; at kung ano ang mga bayan na kanilang tinatahanan, kung sa mga kampamento, o sa mga nakukutaan;
20. At kung ano ang lupain, kung mataba o payat, kung mayroong kahoy o wala. At magpakatapang kayo, at magdala kayo rito ng bunga ng lupain. Ngayon ang panahon ay panahon ng mga unang hinog na ubas.
21. Sila nga'y umakyat, at kanilang tiniktikan ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob, sa pagpasok sa Emath.
22. At sila'y umakyat sa dakong Timugan, at sila'y dumating sa Hebron; at si Aimen, si Sesai at si Talmai, na mga anak ni Anac, ay nangaroon. (Ngayon ang Hebron ay natayong pitong taon bago ang Zoan sa Egipto).
23. At sila'y dumating sa libis ng Escol, at sila'y pumutol doon ng isang sangang may isang kumpol na ubas, at dinala sa isang pingga ng dalawa; sila'y nagdala rin ng mga granada, at mga igos.
24. Ang dakong yaon ay tinawag na libis ng Escol, dahil sa kumpol na kinitil ng mga anak ni Israel doon.
25. At sila'y nagbalik pagkatiktik sa lupain, sa katapusan ng apat na pung araw.
26. At sila'y nagsiyaon at nagsiparoon kay Moises, at kay Aaron at sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, sa ilang ng Paran, sa Cades; at kanilang binigyang sagot sila, at ang buong kapisanan, at kanilang ipinakita sa kanila ang bunga ng lupain.
27. At kanilang isinaysay sa kaniya, at sinabi, Kami ay dumating sa lupaing yaong pinaparoonan mo sa amin, at tunay na binubukalan ng gatas at pulot; at ito ang bunga niyaon.
28. Gayon man ang bayan na tumitira sa lupaing yaon ay malakas, at ang mga bayan ay nakukutaan, at napakalalaki: at saka aming nakita ang mga anak ni Anac doon.
29. Si Amalec ay tumatahan sa lupain ng Timugan: at ang Hetheo, at ang Jebuseo, at ang Amorrheo ay tumatahan sa mga bundok: at ang Cananeo ay tumatahan sa tabi ng dagat, at sa mga pangpang ng Jordan.
30. At pinatahimik ni Caleb ang bayan sa harapan ni Moises, at sinabi, Ating akyating paminsan, at ating ariin; sapagka't kaya nating lupigin.
31. Nguni't sinabi ng mga lalaking nagsiakyat na kasama niya, Hindi tayo makaaakyat laban sa bayan; sapagka't sila'y malakas kay sa atin.
32. At sila'y nagdala ng masamang balita tungkol sa lupaing kanilang tiniktikan, sa mga anak ni Israel, na sinasabi, Ang lupain na aming pinaroonan upang tiktikan ay isang lupain na kinakain ang mga tumatahan doon; at lahat ng bayan na aming nakita roon, ay mga taong malalaki.
33. At doo'y aming nakita ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anac, na mula sa mga Nefilim: at kami sa aming sariling paningin ay naging parang mga balang, at gayon din kami sa kanilang paningin.

Numbers 14:1-45
1. At ang buong kapisanan ay naglakas ng kanilang tinig, at humiyaw; at ang bayan ay umiyak ng gabing yaon.
2. At inupasala ng lahat ng mga anak ni Israel si Moises at si Aaron: at sinabi sa kanila ng buong kapisanan, Nangamatay na sana tayo sa lupain ng Egipto! o kaya'y nangamatay na sana tayo sa ilang na ito!
3. At bakit kaya tayo dinala ng Panginoon sa lupaing ito, upang tayo'y mabuwal sa tabak? Ang ating mga asawa at ang ating mga anak ay magiging mga huli: hindi ba magaling sa atin na tayo'y magbalik sa Egipto?
4. At nag-sangusapan sila, Tayo'y maglagay ng isang kapitan at tayo'y magbalik sa Egipto.
5. Nang magkagayon, si Moises at si Aaron ay nagpatirapa sa harap ng buong kapulungan na kapisanan ng mga anak ni Israel.
6. At hinapak ni Josue na anak ni Nun, at ni Caleb na anak ni Jephone, na mga kasamang tumiktik sa lupain, ang kanilang mga suot:
7. At sinalita nila sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, na sinasabi, Ang lupain na aming dinaanan upang tiktikan ay isang napakainam na lupain.
8. Kung kalulugdan tayo ng Panginoon ay dadalhin nga niya tayo sa lupaing yaon, at ibibigay niya sa atin; na yao'y lupaing binubukalan ng gatas at pulot.
9. Huwag lamang kayong manghimagsik laban sa Panginoon, ni matakot sa bayan ng lupaing yaon, sapagka't sila'y tinapay sa atin; ang kaniyang kalinga ay inilayo sa kanila, at ang Panginoon ay sumasaatin: huwag kayong matakot sa kanila.
10. Datapuwa't tinangka ng buong kapisanan na pagbatuhanan sila. At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa tabernakulo ng kapisanan sa lahat ng mga anak ni Israel.
11. At sinabi ng Panginoon kay Moises, Hanggang kailan hahamakin ako ng bayang ito? at hanggang kailan hindi sila mananampalataya sa akin, sa lahat ng mga tanda na aking ginawa sa kanila?
12. Aking sasaktan sila ng salot, at hindi ko sila pamamanahan at gagawin kita na isang bansang malaki at matibay kay sa kanila.
13. At sinabi ni Moises sa Panginoon, Kung gayo'y mababalitaan ng mga taga Egipto; sapagka't isinampa mo ang bayang ito ng iyong kapangyarihan sa gitna nila;
14. At kanilang sasaysayin sa mga tumatahan sa lupaing ito. Kanilang nabalitaan na ikaw Panginoon, ay nasa gitna ng bayang ito; sapagka't ikaw Panginoon, ay napakita ng mukhaan, at ang iyong ulap ay nakatindig sa ibabaw ng mga yaon, at ikaw ay nangunguna sa kanila, sa isang haliging ulap sa araw, at sa isang haliging apoy sa gabi.
15. Kung iyong papatayin nga ang bayang ito na parang isang tao, ay magsasalita nga ang mga bansang nakabalita ng iyong kabantugan na sasabihin,
16. Sapagka't hindi madadala ng Panginoon ang bayang ito sa lupain, na kaniyang isinumpa sa kanila, kaya't kaniyang pinatay sila sa ilang.
17. At ngayon, idinadalangin ko sa iyo, na itulot mo na ang kapangyarihan ng Panginoon ay maging dakila, ayon sa iyong sinalita, na sinasabi,
18. Ang Panginoon ay banayad sa pagkagalit at sagana sa kaawaan, na nagpapatawad ng kasamaan at ng pagsalangsang; at sa anomang paraan ay hindi aariing walang muang ang may sala, na dinadalaw ang kasamaan ng mga ama sa mga anak sa ikatlo at sa ikaapat na salin ng lahi.
19. Ipatawad mo, isinasamo ko sa iyo, ang kasamaan ng bayang ito ayon sa kalakhan ng iyong kaawaan, at ayon sa iyong pagkapatawad sa bayang ito, mula sa Egipto hanggang ngayon.
20. At sinabi ng Panginoon, Aking pinatawad ayon sa iyong salita:
21. Nguni't tunay, na kung paanong ako'y buhay at kung paanong mapupuspos ng kaluwalhatian ng Panginoon ang buong lupa:
22. Sapagka't ang lahat ng taong yaon na nakakita ng aking kaluwalhatian at ng aking mga tanda, na aking ginawa sa Egipto at sa ilang ay tinukso pa rin ako nitong makasangpu, at hindi dininig ang aking tinig;
23. Tunay na hindi nila makikita ang lupain na aking isinumpa sa kanilang mga magulang, ni sinoman sa kanila na humamak sa akin ay hindi makakakita:
24. Kundi ang aking lingkod na si Caleb, sapagka't siya'y nagtaglay ng ibang diwa at siya'y sumunod na lubos sa akin, ay aking dadalhin siya sa lupain na kaniyang pinaroonan; at aariin ng kaniyang lahi.
25. Ngayon nga'y ang mga Amalecita at ang mga Cananeo ay tumatahan sa libis: bukas ay magbalik kayo at kayo'y pasa ilang sa daang patungo sa Dagat na Mapula.
26. At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,
27. Hanggang kailan titiisin ko ang masamang kapisanang ito, na naguupasala laban sa akin? Aking narinig ang mga pag-upasala ng mga anak ni Israel na kanilang inuupasala laban sa akin.
28. Sabihin mo sa kanila, Ako'y buhay, sabi ng Panginoon, tunay na kung paano ang sinalita ninyo sa aking pakinig ay gayon ang gagawin ko sa inyo:
29. Ang inyong mga bangkay ay mangabubuwal sa ilang na ito; at yaong lahat na nangabilang sa inyo ayon sa inyong kabuoan ng bilang, mula sa dalawang pung taong gulang na patanda na nag-upasala laban sa akin,
30. Ay tunay na hindi kayo papasok sa lupaing pinagtaasan ko ng aking kamay, na patatahanan ko sana sa inyo, maliban si Caleb na anak ni Jephone, at si Josue na anak ni Nun.
31. Nguni't ang inyong mga bata, na inyong sinabing magiging mga huli ay aking papapasukin, at kanilang makikilala ang lupain na inyong itinakuwil.
32. Nguni't tungkol sa inyo, ang inyong mga bangkay ay mangabubuwal sa ilang na ito.
33. At ang inyong mga anak ay magiging gala sa ilang na apat na pung taon, at kanilang tataglayin ang inyong pakikiapid, hanggang sa ang inyong mga bangkay ay matunaw sa ilang.
34. Ayon sa bilang ng mga araw na inyong itiniktik sa lupain, sa makatuwid baga'y apat na pung araw, sa bawa't araw ay isang taon, ay inyong tataglayin ang inyong mga kasamaan, na apat na pung taon, at inyong makikilala ang pagsira ko ng kapangakuan.
35. Akong Panginoon ang nagsalita, tunay na ito'y aking gagawin sa buong masamang kapisanang ito, na nagpipisan laban sa akin: sa ilang na ito matutunaw sila, at diyan sila mamamatay.
36. At ang mga lalake, na sinugo ni Moises upang tumiktik ng lupain, na nagsipagbalik, at nagpaupasala ng buong kapisanan laban sa kaniya sa paghahatid ng masamang balita laban sa lupain,
37. Sa makatuwid baga'y ang mga taong yaon na nagsipaghatid ng masamang balita ng lupain, ay nangamatay sa salot sa harap ng Panginoon.
38. Nguni't si Josue na anak ni Nun, at si Caleb na anak ni Jephone, ay naiwang buhay sa mga taong yaon na nagsiparoong tumiktik ng lupain.
39. At sinaysay ni Moises ang mga salitang ito sa lahat ng mga anak ni Israel: at ang bayan ay tumaghoy na mainam.
40. At sila'y bumangong maaga sa kinaumagahan, at umakyat sila sa taluktok ng bundok, na sinasabi, Narito kami, at kami ay aakyat sa dakong ipinangako ng Panginoon: sapagka't kami ay nagkasala.
41. At sinabi ni Moises, Bakit sinasalangsang ninyo ngayon ang utos ng Panginoon, sa bagay ay hindi ninyo ikasusulong?
42. Huwag kayong umakyat, sapagka't ang Panginoon ay wala sa gitna ninyo; upang huwag kayong masaktan sa harap ng inyong mga kaaway.
43. Sapagka't nandoon ang mga Amalecita at ang mga Cananeo sa harap ninyo, at kayo'y mangabubuwal sa tabak: sapagka't kayo'y humiwalay sa pagsunod sa Panginoon, kaya't ang Panginoon ay wala sa inyo.
44. Nguni't sila'y nagpumilit umakyat sa taluktok ng bundok: gayon ma'y ang kaban ng tipan ng Panginoon, at si Moises ay hindi nagsilabas sa kampamento.
45. Nang magkagayon ang mga Amalecita ay bumaba at ang mga Cananeo na tumatahan sa bundok na yaon, ay sinaktan sila at nilupig silang hinabol, hanggang sa Horma.

Psalms 31:19-24
19. Oh pagkadakila ng iyong kabutihan, na iyong iningatan para sa kanila na nangatatakot sa iyo, na iyong ginawa sa kanila na nagsisipagkanlong sa iyo, sa harap ng mga anak ng mga tao!
20. Sa lihim ng iyong harapan ay iyong ikukubli sila sa mga banta ng mga tao: iyong iingatan silang lihim sa kulandong mula sa mga talas ng mga dila.
21. Purihin ang Panginoon: sapagka't ipinakilala niya sa akin ang kaniyang kagilagilalas na kagandahang-loob sa isang matibay na bayan.
22. Tungkol sa akin, sinabi ko sa aking pagmamadali, nahiwalay ako sa harap ng iyong mga mata: gayon ma'y dininig mo ang tinig ng aking mga pamanhik, nang ako'y dumaing sa iyo.
23. Oh ibigin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na mga banal niya: pinalalagi ng Panginoon ang tapat, at pinanghihigantihang lubos ang manggagawang palalo.
24. Kayo'y mangagpakalakas, at mangagdalang tapang ang inyong puso, kayong lahat na nagsisiasa sa Panginoon.

Proverbs 11:15-15
15. Siyang nananagot sa di kilala, ay mapapariwara: nguni't siyang nagtatanim sa pananagot ay tiwasay.

Mark 10:32-52
32. At sila'y nangasa daan, na nagsisiahon sa Jerusalem; at nangunguna sa kanila si Jesus: at sila'y nangagtaka; at ang nangagsisisunod ay nangatakot. At muling kinuha niya ang labingdalawa, at nagpasimulang sinabi sa kanila ang mga bagay na sa kaniya'y mangyayari,
33. Na sinasabi, Narito, nagsisiahon tayo sa Jerusalem; at ibibigay ang Anak ng tao sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba; at siya'y kanilang hahatulang patayin, at ibibigay siya sa mga Gentil:
34. At siya'y kanilang aalimurahin, at siya'y luluraan, at siya'y hahampasin, at siya'y papatayin; at pagkaraan ng tatlong araw ay magbabangon siyang muli.
35. At nagsilapit sa kaniya si Santiago at si Juan, na mga anak ni Zebedeo, na sa kaniya'y nagsisipagsabi, Guro, ibig naming iyong gawin sa amin ang anomang aming hingin sa iyo.
36. At sinabi niya sa kanila, Ano ang ibig ninyong sa inyo'y aking gawin?
37. At sinabi nila sa kaniya, Ipagkaloob mo sa amin na mangakaupo kami, ang isa'y sa iyong kanan, at ang isa'y sa iyong kaliwa, sa iyong kaluwalhatian.
38. Datapuwa't sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Mangakaiinom baga kayo sa sarong aking iinuman? o mangababautismuhan sa bautismo na ibinautismo sa akin?
39. At sinabi nila sa kaniya, Kaya namin. At sinabi sa kanila ni Jesus, Ang sarong aking iinuman ay iinuman ninyo; at sa bautismo na ibinautismo sa akin ay babautismuhan kayo;
40. Datapuwa't ang maupo sa aking kanan o sa aking kaliwa ay hindi ako ang magbibigay; datapuwa't yaon ay para sa kanila na mga pinaghahandaan.
41. At nang marinig ito ng sangpu, ay nangagpasimula silang mangagalit kay Santiago at kay Juan.
42. At sila'y pinalapit ni Jesus sa kaniya, at sa kanila'y sinabi, Nalalaman ninyo na yaong mga inaaring mga pinuno ng mga Gentil ay nangapapapanginoon sa kanila; at ang sa kanila'y mga dakila ay nagsisigamit ng kapamahalaan sa kanila.
43. Datapuwa't sa inyo ay hindi gayon: kundi ang sinomang ibig na dumakila sa inyo, ay magiging lingkod ninyo;
44. At ang sinoman sa inyo ang magibig manguna, ay magiging alipin ng lahat.
45. Sapagka't ang Anak ng tao rin naman ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang buhay na pangtubos sa marami.
46. At nagsidating sila sa Jerico: at habang nililisan niya ang Jerico, na kasama ng kaniyang mga alagad at ng lubhang maraming mga tao, ang anak ni Timeo, si Bartimeo, na isang pulubing bulag, ay nakaupo sa tabi ng daan.
47. At nang marinig niya na yao'y si Jesus na Nazareno, siya'y nagpasimulang magsisigaw, at nagsabi, Jesus, ikaw na anak ni David, mahabag ka sa akin.
48. At siya'y pinagwikaan ng marami upang siya'y tumahimik: datapuwa't siya'y lalong sumisigaw, Ikaw na Anak ni David, mahabag ka sa akin.
49. At tumigil si Jesus, at sinabi, Tawagin ninyo siya. At tinawag nila ang lalaking bulag, na sinasabi sa kaniya, Laksan mo ang iyong loob; ikaw ay magtindig, tinatawag ka niya.
50. At siya, pagkatapon ng kaniyang balabal, ay nagmadaling tumindig, at lumapit kay Jesus.
51. At sumagot sa kaniya si Jesus, at sinabi, Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo? At sinabi ng lalaking bulag, Raboni, na tanggapin ang aking paningin.
52. At sinabi sa kaniya ni Jesus, Humayo ka ng iyong lakad; pinagaling ka ng iyong pananampalataya. At pagdaka'y tinanggap niya ang kaniyang paningin, at siya'y sumunod sa kaniya sa daan.