A A A A A
Bible in one year
April 21

Judges 7:1-25
1. Nang magkagayo'y si Jerobaal na siyang Gedeon, at ang buong bayan na kasama niya ay bumangong maaga, at humantong sa bukal ng Harod: at ang kampamento ng Madian ay nasa dakong hilagaan nila, sa dako roon ng Moreh, sa libis.
2. At sinabi ng Panginoon kay Gedeon, Ang bayang kasama mo ay totoong marami sa akin upang aking ibigay ang mga Madianita sa kanilang kamay, baka ang Israel ay magmalaki laban sa akin, na sabihin, Aking sariling kamay ang nagligtas sa akin.
3. Kaya't ngayo'y yumaon ka, ipagpatawag mo sa mga pakinig ng bayan, na iyong sabihin, Sinomang matatakutin at mapanginig, ay bumalik at pumihit mula sa bundok ng Galaad. At bumalik sa bayan ang dalawang pu't dalawang libo; at naiwan ang sangpung libo.
4. At sinabi ng Panginoon kay Gedeon, Ang bayan ay totoong marami pa; palusungin mo sila sa tubig, at doo'y aking susubukin sila sa iyo: at mangyayari, na sinomang aking sabihin sa iyo, Ito'y sumama sa iyo, yaon sumama sa iyo; at sa sinomang sabihin ko sa iyo, Ito'y huwag sumama sa iyo, yao'y huwag sumama sa iyo.
5. Sa gayo'y kaniyang inilusong ang bayan sa tubig: at sinabi ng Panginoon kay Gedeon, Bawa't humimod sa tubig ng kaniyang dila, gaya ng paghimod ng aso, ay iyong ihihiwalay: gayon din ang bawa't yumukong lumuhod upang uminom.
6. At ang bilang ng mga humimod, na inilalagay ang kanilang kamay sa kanilang bibig, ay tatlong daang lalake: nguni't ang buong labis ng bayan ay yumukong lumuhod upang uminom ng tubig.
7. At sinabi ng Panginoon kay Gedeon, Sa pamamagitan ng tatlong daang lalake na humimod ay ililigtas ko kayo, at ibibigay ko ang mga Madianita sa iyong kamay: at pabayaan mong ang buong bayan ay yumaon bawa't isa sa kanikaniyang dako.
8. Sa gayo'y nagbaon ang bayan sa kanilang kamay ng mga pagkain at ng kanilang mga pakakak: at kaniyang sinugo ang lahat ng mga lalake sa Israel na bawa't isa ay umuwi sa kanikaniyang tolda, nguni't pinigil ang tatlong daang lalake: at ang kampamento ng Madian ay nasa ibaba niya sa libis.
9. At nangyari nang gabi ring yaon, na sinabi ng Panginoon sa kaniya, Bumangon ka, lusungin mo ang kampamento; sapagka't aking ibinigay sa iyong kamay.
10. Nguni't kung ikaw ay natatakot na lumusong, ay lumusong ka sa kampamento na kasama ni Phara na iyong lingkod.
11. At iyong maririnig kung ano ang kanilang sinasabi, at pagkatapos ang iyong mga kamay ay lalakas na lumusong sa kampamento. Nang magkagayo'y lumusong siyang kasama si Phara na kaniyang lingkod sa pinakahangganan ng mga lalaking may sakbat na nangasa kampamento.
12. At ang mga Madianita at ang mga Amalecita at ang lahat ng mga anak sa silanganan ay nalalatag sa libis na parang balang dahil sa karamihan; at ang kanilang mga kamelyo ay walang bilang, na gaya ng buhangin na nasa tabi ng dagat dahil sa karamihan.
13. At nang dumating si Gedeon, narito, may isang lalake na nagsasaysay ng isang panaginip sa kaniyang kasama, at kaniyang sinabi, Nanaginip ako ng isang panaginip; at, narito, isang munting tinapay na sebada, ay gumulong hanggang sa kampamento ng Madian, at umabot sa tolda, at tinamaan yaon ng malakas na tuloy bumagsak, at natiwarik, na ang tolda'y lumagpak.
14. At sumagot ang kaniyang kasama, at nagsabi, Ito'y hindi iba, kundi ang tabak ni Gedeon, na anak ni Joas, isang lalaking Israelita, na ibinigay ng Dios sa kaniyang kamay ang Madian at ang buong hukbo niya.
15. At nangyari, nang marinig ni Gedeon ang salaysay tungkol sa panaginip, at ang pagkapaliwanag niyaon, na siya'y sumamba; at siya'y bumalik sa kampamento ng Israel, at sinabi, Tumindig kayo; sapagka't ibinigay ng Panginoon sa inyong kamay ang hukbo ng Madian.
16. At binahagi niya ang tatlong daang lalake ng tatlong pulutong, at kaniyang nilagyan ang mga kamay nilang lahat ng mga pakakak, at mga bangang walang laman at mga sulo sa loob ng mga banga.
17. At kaniyang sinabi sa kanila, Masdan ninyo ako, at inyong parisan: at, narito, pagka ako'y dumating sa pinakahuling bahagi ng kampamento, ay mangyayari, na kung anong aking gawin ay siya ninyong gagawin.
18. Pagka ako'y hihihip ng pakakak, ako at lahat na kasama ko, ay humihip nga naman kayo ng mga pakakak, sa buong palibot ng buong kampamento, at sabihin ninyo, Ang tabak ng Panginoon at ni Gedeon.
19. Sa gayo'y si Gedeon, at ang isang daang lalake na kasama niya ay napasa pinakahuling bahagi ng kampamento sa pasimula ng pagbabantay sa hating gabi, ng halos kahahalili lamang ng bantay: at sila'y humihip ng mga pakakak, at kanilang binasag ang mga banga na nasa kanilang mga kamay.
20. At hinipan ng tatlong pulutong ang mga pakakak, at binasag ang mga banga, at itinaas ang mga sulo sa kanilang kaliwang kamay, at ang mga pakakak sa kanilang kanang kamay na kanilang hinihipan, at sila'y naghiyawan, Ang tabak ng Panginoon at ni Gedeon.
21. At sila'y nangakatayo, bawa't isa, sa kaniyang dako sa palibot ng kampamento: at ang buong hukbo ay tumakbo; at sila'y sumigaw at pinatakas nila.
22. At hinipan nila ang tatlong daang pakakak at inilagay ng Panginoon ang tabak ng bawa't isa laban sa kaniyang kasama, at laban sa buong hukbo: at tumakas ang hukbo hanggang sa Beth-sitta sa dakong Cerera, hanggang sa hangganan ni Abelmehola, sa siping ng Tabbat.
23. At ang mga lalake ng Israel ay nagpipisan, ang sa Nephtali, at ang sa Aser, at sa buong Manases, at hinabol ang Madian.
24. At nagsugo si Gedeon ng mga sugo sa buong lupaing maburol ng Ephraim, na sinasabi, Lusungin ninyo ang Madian, at agapan ninyo ang tubig, hanggang sa Beth-bara, at ang Jordan. Sa gayo'y ang lahat ng mga lalake ng Ephraim ay nagkapisan, at inagapan ang tubig hanggang sa Beth-bara, at ang Jordan.
25. At kanilang hinuli ang dalawang prinsipe sa Madian, si Oreb at si Zeeb: at kanilang pinatay si Oreb sa batuhan ni Oreb at si Zeeb ay kanilang pinatay sa pisaan ng ubas ni Zeeb, at hinabol ang Madian: at kanilang dinala ang mga ulo ni Oreb at ni Zeeb kay Gedeon sa dako roon ng Jordan.

Judges 8:1-35
1. At sinabi ng mga lalake ng Ephraim sa kaniya, Bakit ginawa mo sa amin ang ganyan, na hindi mo kami tinawag nang ikaw ay yumaong makipaglaban sa Madian? At siya'y pinagwikaan nilang mainam.
2. At sinabi niya sa kanila, Ano ang aking ginawa ngayon na paris ng inyo? Di ba mainam ang pagsimot ng ubas ng Ephraim kay sa pagaani ng sa Abiezer?
3. Ibinigay ng Dios sa inyong kamay ang mga prinsipe sa Madian, si Oreb, at si Zeeb, at ano ang aking magagawa na paris ng inyo? Nang magkagayo'y ang kanilang galit sa kaniya ay lumamig, nang kaniyang sabihin yaon.
4. At si Gedeon ay dumating sa Jordan, at siya'y tumawid, siya, at ang tatlong daang lalake na mga kasama niya, mga pagod na, ay humahabol pa.
5. At sinabi niya sa mga lalake sa Succoth, Isinasamo ko sa inyo na bigyan ninyo ng mga tinapay ang bayan na sumusunod sa akin; sapagka't sila'y mga pagod, at aking hinahabol si Zeba at si Zalmunna, na mga hari sa Madian.
6. At sinabi ng mga prinsipe sa Succoth, Nasa iyo na bang kamay ngayon ang mga kamay ni Zeba at ni Zalmunna, upang bigyan namin ng tinapay ang iyong hukbo?
7. At sinabi ni Gedeon, Kaya, pagka ibinigay ng Panginoon, si Zeba at si Zalmunna sa aking kamay, ay akin ngang gagalusan ang inyong laman ng mga tinik sa ilang at ng mga dawag.
8. At inahon niya mula roon ang Penuel, at siya'y nagsalita sa kanila ng gayon din: at sinagot siya ng mga lalake sa Penuel na gaya ng isinagot ng mga lalake sa Succoth.
9. At sinalita niya naman sa mga lalake sa Penuel, na sinasabi, Pagbabalik kong payapa, ay aking ilalagpak ang moog na ito.
10. Ngayo'y si Zeba at si Zalmunna ay nasa Carcor, at ang kanilang mga hukbo na kasama nila, na may labing limang libong lalake, yaong lahat na nalabi sa buong hukbo ng mga anak sa silanganan: sapagka't nabuwal ang isang daan at dalawang pung libong lalake na humahawak ng tabak.
11. At si Gedeon ay umahon sa daan ng mga tumatahan sa mga tolda sa silanganan ng Noba at Jogbea, at sinaktan ang hukbo; sapagka't ang hukbo ay tiwasay.
12. At si Zeba at si Zalmunna ay tumakas; at kaniyang hinabol sila: at kaniyang hinuli ang dalawang hari sa Madian, na si Zeba at si Zalmunna, at nalito ang buong hukbo.
13. At tinalikdan ni Gedeon na anak ni Joas ang pagbabaka, mula sa sampahan sa Heres.
14. At hinuli niya ang isang may kabataan sa mga lalake sa Succoth, at nagusisa siya sa kaniya: at ipinaalam sa kaniya ang mga prinsipe sa Succoth, at ang mga matanda niyaon na pitong pu't pitong lalake.
15. At sila'y naparoon sa mga lalake sa Succoth, at sinabi, Narito si Zeba at si Zalmunna, na tungkol sa kanila, ay inyo akong tinuya na inyong sinasabi, Nasa iyo na bang kamay ngayon ang mga kamay ni Zeba at ni Zalmunna, upang bigyan namin ng tinapay ang iyong mga lalake na mga pagod?
16. At kaniyang kinuha ang mga matanda sa bayan, at mga tinik sa ilang at mga dawag, at sa pamamagitan ng mga yaon ay kaniyang tinuruan ang mga lalake sa Succoth.
17. At kaniyang inilagpak ang moog ng Penuel, at pinatay ang mga lalake sa bayan.
18. Nang magkagayo'y kaniyang sinabi kay Zeba at kay Zalmunna. Anong mga lalake yaong inyong pinatay sa Tabor? At sila'y sumagot, Kung ano ikaw ay gayon sila; bawa't isa'y nahuhuwad sa mga anak ng isang hari.
19. At kaniyang sinabi, Sila'y aking mga kapatid, na mga anak ng aking ina: buhay ang Panginoon, kung inyong iniligtas sana silang buhay, disin hindi ko kayo papatayin.
20. At sinabi niya kay Jether na kaniyang panganay, Bangon, at patayin mo sila. Nguni't ang bata'y hindi humawak ng tabak: sapagka't siya'y natakot, dahil sa siya'y bata pa.
21. Nang magkagayo'y sinabi ni Zeba at ni Zalmunna, Bumangon ka, at daluhungin mo kami: sapagka't kung paano ang pagkalalake ay gayon ang kaniyang lakas. At bumangon si Gedeon, at pinatay si Zeba at si Zalmunna, at kinuha ang mga pahiyas na may anyong kalahating buwan na nasa mga leeg ng kanilang mga kamelyo.
22. Nang magkagayo'y sinabi ng mga lalake ng Israel kay Gedeon, Magpuno ka sa amin ngayon, ikaw at ang iyong anak, sapagka't iniligtas mo kami sa kamay ng Madian.
23. At sinabi ni Gedeon sa kanila, Hindi ako magpupuno sa inyo, o magpupuno man ang aking anak sa inyo: ang Panginoon ang magpupuno sa inyo.
24. At sinabi ni Gedeon sa kanila, Hangad ko ang isang kahilingan sa inyo, na bigyan ako ng bawa't isa sa inyo ng mga hikaw na kaniyang samsam. (Sapagka't sila'y may mga gintong hikaw, dahil sa sila'y mga Ismaelita.)
25. At sumagot sila, Ibibigay namin ng buong pagibig. At sila'y naglatag ng isang balabal, at inilagay roon ng bawa't isa ang mga hikaw na kaniyang samsam.
26. At ang timbang ng mga gintong hikaw na kaniyang hiniling, ay isang libo at pitong daang siklong ginto; bukod pa ang mga pahiyas na may anyong kalahating buwan, at ang mga hikaw at ang mga damit na morado na suot ng mga hari sa Madian, at bukod pa ang mga tanikala na nangasa leeg ng mga kamelyo.
27. At ginawang epod ni Gedeon at inilagay sa kaniyang bayan, sa makatuwid baga'y sa Ophra: at ang buong Israel ay naparoroon na sumasamba sa kaniya roon: at siyang naging ikinasilo ni Gedeon at ng kaniyang sangbahayan.
28. Gayon napasuko ang Madian sa harap ng mga anak ni Israel, at hindi na nila itinaas pa ang kanilang ulo. At ang lupain ay nagpahingang apat na pung taon sa mga araw ni Gedeon.
29. At si Jerobaal na anak ni Joas ay yumaon at tumahan sa kaniyang sariling bahay.
30. At nagkaroon si Gedeon ng pitong pung anak na lumabas sa kaniyang mga balakang: sapagka't siya'y mayroong maraming asawa.
31. At ang kaniyang babae na nasa Sichem ay nagkaanak naman sa kaniya ng isang lalake, at kaniyang tinawag ang pangalan na Abimelech.
32. At namatay si Gedeon na anak ni Joas na may mabuting katandaan at inilibing sa libingan ni Joas na kaniyang ama, sa Ophra ng mga Abiezerita.
33. At nangyari, pagkamatay ni Gedeon, na ang mga anak ni Israel ay bumalik at sumamba sa mga Baal, at ginawang kanilang dios ang Baal-berith.
34. At hindi naalaala ng mga anak ni Israel ang Panginoon nilang Dios, na siyang nagpapaging laya sa kanila sa kamay ng lahat nilang mga kaaway sa buong palibot:
35. O gumanti man lamang ng kagandahang loob sa sangbahayan ni Jerobaal, na siyang Gedeon ayon sa lahat ng kabutihan na kaniyang ipinakita sa Israel.

Psalms 49:10-20
10. Sapagka't nakikita niya na ang mga pantas ay nangamamatay, ang mangmang at gayon din ang hangal ay nililipol, at iniiwanan ang kanilang kayamanan sa mga iba.
11. Ang kanilang pagiisip sa loob ay, na ang kanilang mga bahay ay mananatili magpakailan man, at ang kanilang mga tahanang dako ay sa lahat ng sali't saling lahi; tinatawag nila ang kanilang mga lupain ayon sa kanilang sariling mga pangalan.
12. Nguni't ang tao'y hindi lalagi sa karangalan: siya'y gaya ng mga hayop na nangamamatay.
13. Itong kanilang lakad ay kanilang kamangmangan: gayon ma'y pagkatapos nila ay sinasangayunan ng mga tao ang kanilang mga kasabihan. (Selah)
14. Sila'y nangatakda sa Sheol na parang kawan; kamatayan ay magiging pastor sa kanila: at ang matuwid ay magtataglay ng kapangyarihan sa kanila sa kinaumagahan; at ang kanilang kagandahan ay mapapasa Sheol upang matunaw, upang mawalan ng tahanan.
15. Nguni't tutubusin ng Dios ang aking kaluluwa sa kapangyarihan ng Sheol: sapagka't tatanggapin niya ako. (Selah)
16. Huwag kang matakot pagka may yumaman. Pagka ang kaluwalhatian ng kaniyang bahay ay lumago:
17. Sapagka't pagka siya'y namatay ay wala siyang dadalhin; ang kaniyang kaluwalhatian ay hindi bababang susunod sa kaniya.
18. Bagaman habang siya'y nabuhay ay kaniyang pinagpala ang kaniyang kaluluwa, (at pinupuri ka ng mga tao pagka gumagawa ka ng mabuti sa iyong sarili),
19. Siya'y paroroon sa lahi ng kaniyang mga magulang; hindi sila makakakita kailan man ng liwanag.
20. Taong nasa karangalan, at hindi nakakaunawa, ay gaya ng mga hayop na namamatay.

Proverbs 14:22-24
22. Hindi ba sila nagkakamali na kumakatha ng kasamaan? Nguni't kaawaan at katotohanan ay sasa kanila na nagsisikatha ng mabuti.
23. Sa lahat ng gawain ay may pakinabang: nguni't ang tabil ng mga labi ay naghahatid sa karalitaan.
24. Ang putong ng mga pantas ay ang kanilang mga kayamanan: nguni't ang kamangmangan ng mga mangmang ay kamangmangan lamang.

Luke 15:11-32
11. At sinabi niya, May isang tao na may dalawang anak na lalake:
12. At sinabi sa kaniyang ama ng bunso, Ama, ibigay mo sa akin ang bahagi ng iyong kayamanang nauukol sa akin. At binahagi niya sa kanila ang kaniyang pagkabuhay.
13. At hindi nakaraan ang maraming araw, ay tinipong lahat ng anak na bunso ang ganang kaniya, at naglakbay sa isang malayong lupain; at doo'y inaksaya ang kaniyang kabuhayan sa palunging pamumuhay.
14. At nang magugol na niyang lahat, ay nagkaroon ng isang malaking kagutom sa lupaing yaon; at siya'y nagpasimulang mangailangan.
15. At pumaroon siya at nakisama sa isa sa mga mamamayan sa lupaing yaon; at sinugo niya siya sa kaniyang mga parang, upang magpakain ng mga baboy.
16. At ibig sana niyang mabusog ang kaniyang tiyan ng mga ipa na kinakain ng mga baboy: at walang taong magbigay sa kaniya.
17. Datapuwa't nang siya'y makapagisip ay sinabi niya, Ilang mga alilang upahan ng aking ama ang may sapat at lumalabis na pagkain, at ako rito'y namamatay ng gutom?
18. Magtitindig ako at paroroon sa aking ama, at aking sasabihin sa kaniya, Ama, nagkasala ako laban sa langit, at sa iyong paningin:
19. Hindi na ako karapatdapat na tawaging anak mo: gawin mo akong tulad sa isa sa iyong mga alilang upahan.
20. At siya'y nagtindig, at pumaroon sa kaniyang ama. Datapuwa't samantalang nasa malayo pa siya, ay natanawan na siya ng kaniyang ama, at nagdalang habag, at tumakbo, at niyakap siya sa leeg, at siya'y hinagkan.
21. At sinabi ng anak sa kaniya, Ama, nagkasala ako laban sa langit, at sa iyong paningin: hindi na ako karapatdapat na tawaging anak mo.
22. Datapuwa't sinabi ng ama sa kaniyang mga alipin, Dalhin ninyo ritong madali ang pinakamabuting balabal, at isuot ninyo sa kaniya; at lagyan ninyo ng singsing ang kaniyang kamay, at mga panyapak ang kaniyang mga paa:
23. At kunin ninyo ang pinatabang guya, at inyong patayin, at tayo'y magsikain, at mangagkatuwa:
24. Sapagka't patay na ang anak kong ito, at muling nabuhay; siya'y nawala, at nasumpungan. At sila'y nangagpasimulang mangagkatuwa.
25. Nasa bukid nga ang anak niyang panganay: at nang siya'y dumating at malapit sa bahay, ay narinig niya ang tugtugan at ang sayawan.
26. At pinalapit niya sa kaniya ang isa sa mga alipin, at itinanong kung ano kaya ang mga bagay na yaon.
27. At sinabi niya sa kaniya, Dumating ang kapatid mo; at pinatay ng iyong ama ang pinatabang guya, dahil sa siya'y tinanggap niya na ligtas at magaling.
28. Datapuwa't nagalit siya, at ayaw pumasok: at lumabas ang kaniyang ama, at siya'y namanhik sa kaniya.
29. Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi sa kaniyang ama, Narito, maraming taon nang kita'y pinaglilingkuran, at kailan ma'y hindi ako sumuway sa iyong utos; at gayon ma'y hindi mo ako binigyan kailan man ng isang maliit na kambing, upang ipakipagkatuwa ko sa aking mga kaibigan:
30. Datapuwa't nang dumating itong anak mong umubos ng iyong pagkabuhay sa mga patutot, ay ipinagpatay mo siya ng pinatabang guya.
31. At sinabi niya sa kaniya, Anak, ikaw ay palaging nasa akin, at iyo ang lahat ng akin.
32. Datapuwa't karapatdapat mangagkatuwa at mangagsaya tayo: sapagka't patay ang kapatid mong ito, at muling nabuhay; at nawala, at nasumpungan.