A A A A A
Bible in one year
April 22

Judges 9:1-57
1. At si Abimelech na anak ni Jerobaal ay napasa Sichem, sa mga kapatid ng kaniyang ina, at nagsalita sa kanila, at sa lahat ng angkan ng sangbahayan ng ama ng kaniyang ina, na nagsasabi,
2. Isinasamo ko sa inyo na inyong salitain sa mga pakinig ng lahat ng mga lalake sa Sichem, Kung ano ang magaling sa inyo, na lahat na anak ni Jerobaal na pitong pung lalake ay magpuno sa inyo, o isa ang magpuno sa inyo? alalahanin din naman ninyo na ako ay inyong buto at inyong laman.
3. At tungkol sa kaniya ay sinalita ng mga kapatid ng ina niya, sa mga pakinig ng lahat ng mga lalake sa Sichem ang lahat ng mga salitang ito at ang kanilang puso ay kumiling na sumunod kay Abimelech, sapagka't kanilang sinabi, Siya'y ating kapatid.
4. At nagbigay sila ng pitong pung putol na pilak, mula sa bahay ng Baal-berith, na siyang iniupa ni Abimelech sa mga taong hampas lupa at mga palaboy, na siyang mga sumunod sa kaniya.
5. At siya'y naparoon sa bahay ng kaniyang ama sa Ophra, at pinatay ang kaniyang mga kapatid na mga anak ni Jerobaal, na pitong pung katao, sa ibabaw ng isang bato: nguni't si Jotham na bunsong anak ni Jerobaal ay nalabi; sapagka't siya'y nagtago.
6. At lahat ng mga lalake sa Sichem ay nagpupulong at ang buong sangbahayan ni Millo, at yumaon at ginawang hari si Abimelech sa tabi ng encina ng haliging nasa Sichem.
7. At nang kanilang saysayin kay Jotham, siya'y yumaon at tumayo sa taluktok ng bundok Gerizim, at inilakas ang kaniyang tinig, at sumigaw, at sinabi sa kanila, Dinggin ninyo ako, ninyong mga lalake sa Sichem, upang dinggin kayo ng Dios.
8. Ang mga puno ng kahoy ay naghalal ng hari na minsan; at kanilang sinabi sa puno ng olibo, Maghari ka sa amin.
9. Nguni't sinabi ng puno ng olibo sa kanila, Akin bang iiwan ang aking katabaan, na siyang sa akin ay nakapagpaparangal sa Dios at sa tao, at makipagindayunan sa mga puno ng kahoy?
10. At sinabi ng mga punong kahoy sa puno ng igos, Halika, at maghari ka sa amin.
11. Nguni't sinabi ng puno ng igos sa kanila, Akin bang iiwan ang aking katamisan, at ang aking mabuting bunga, at yayaong makipagindayunan sa mga puno ng kahoy?
12. At sinabi ng mga puno ng kahoy sa puno ng ubas, Halika, at maghari ka sa amin.
13. At sinabi ng puno ng ubas sa kanila, Akin bang iiwan ang aking alak, na nagpapasaya sa Dios at sa tao, at yayaong makipagindayunan sa mga puno ng kahoy?
14. Nang magkagayo'y sinabi ng lahat ng mga puno ng kahoy sa dawag, Halika, at maghari ka sa amin.
15. At sinabi ng dawag sa mga puno ng kahoy, Kung tunay na ako'y inyong inihahalal na hari ninyo, pumarito nga kayo at manganlong kayo sa aking lilim: at kung hindi ay labasan ng apoy ang dawag at pugnawin ang mga sedro ng Libano.
16. Ngayon nga'y kung tapat at matuwid mong ginawang hari si Abimelech, at kung gumawa kayo ng mabuti kay Jerobaal at sa kaniyang sangbahayan, at kayo'y gumawa sa kaniya ng ayon sa marapat sa kaniyang mga kamay;
17. (Sapagka't ipinakipaglaban kayo ng aking ama at inihadlang ang kaniyang buhay, at pinapaging laya kayo sa kamay ni Madian:
18. At kayo'y bumangon laban sa sangbahayan ng aking ama sa araw na ito, at pinatay ninyo ang kaniyang mga anak, na pitong pung lalake, sa ibabaw ng isang bato, at ginawa ninyong hari si Abimelech, na anak ng kaniyang aliping babae, sa mga lalake sa Sichem, sapagka't siya'y inyong kapatid;)
19. Kung tapat nga at matuwid na kayo'y gumanti kay Jerobaal at sa kaniyang sangbahayan sa araw na ito, magalak nga kayo kay Abimelech at magalak naman siya sa inyo:
20. Nguni't kung hindi ay labasan ng apoy si Abimelech, at pugnawin ang mga lalake sa Sichem, at ang sangbahayan ni Millo, at labasan ng apoy ang mga lalake sa Sichem, at ang sangbahayan ni Millo, at pugnawin si Abimelech.
21. At si Jotham ay tumakbong umalis, at tumakas, at napasa Beer, at tumahan doon, dahil sa takot kay Abimelech na kaniyang kapatid.
22. At si Abimelech ay naging prinsipe sa Israel na tatlong taon.
23. At nagsugo ang Dios ng isang masamang espiritu kay Abimelech at sa mga lalake sa Sichem; at ang mga lalake sa Sichem ay naglilo kay Abimelech.
24. Upang ang dahas na ginawa sa pitong pung anak ni Jerobaal ay dumating, at upang ang kanilang dugo ay malagpak kay Abimelech na kanilang kapatid, na siyang pumatay sa kanila, at sa mga lalake sa Sichem, na nagpalakas ng kaniyang mga kamay upang patayin ang kaniyang mga kapatid.
25. At binakayan siya ng mga lalake sa Sichem sa mga taluktok ng mga bundukin, at kanilang pinagnakawan yaong lahat na dumaan sa daang yaon na malapit sa kanila; at naibalita kay Abimelech.
26. At dumating si Gaal na anak ni Ebed na kasama ng kaniyang mga kapatid, at dumaan sa Sichem: at inilagak ng mga lalake sa Sichem ang kanilang tiwala sa kaniya.
27. At sila'y lumabas sa bukid, at namitas sa kanilang mga ubasan, at pinisa, at nagpapista, at napasa bahay ng kanilang dios, at nagkainan at naginuman, at sinumpa si Abimelech.
28. At sinabi ni Gaal na anak ni Ebed, Sino si Abimelech at sino si Sichem, upang, aming paglingkuran siya? hindi ba siya ang anak ni Jerobaal? at si Zebul ay kaniyang pinuno? Maglingkod kayo sa mga lalake ni Hamor na ama ni Sichem: nguni't bakit kami maglilingkod sa kaniya?
29. At kahi manawari ang bayang ito'y mapasa ilalim ng aking kamay. Kung magkagayo'y aking hahalinhan si Abimelech. At kaniyang sinabi kay Abimelech, Dagdagan mo ang iyong kawal at lumabas ka.
30. At nang marinig ni Zebul na puno ng bayan ang mga salita ni Gaal na anak ni Ebed, ay nagalab ang kaniyang galit.
31. At lihim na nagsugo siya ng mga sugo kay Abimelech, na nagsabi, Narito, si Gaal na anak ni Ebed at ang kaniyang mga kapatid ay naparoon sa Sichem; at, narito, kanilang pinilit ang bayan laban sa iyo.
32. Ngayon nga'y bumangon ka sa gabi, ikaw at ang bayan na kasama mo, at bakayan mo sa bukid:
33. At mangyayari, na sa kinaumagahan, pagsikat ng araw, ay babangon kang maaga, at isasalakay mo ang bayan: at, narito, pagka siya at ang bayan na kasama niya ay lumabas laban sa iyo, ay magagawa mo nga sa kanila ang magalingin mo.
34. At bumangon si Abimelech, at ang buong bayan na kasama niya, sa kinagabihan at sinalakay nila ang Sichem, na sila'y apat na pulutong.
35. At lumabas si Gaal na anak ni Ebed, at tumayo sa pasukan ng pintuang-bayan; at si Abimelech ay bumangon sa pagbakay at ang bayan na kasama niya.
36. At nang makita ni Gaal ang bayan, ay kaniyang sinabi kay Zebul, Narito, bumababa ang bayan mula sa taluktuk ng mga bundok. At sinabi ni Zebul sa kaniya, Iyong nakikita'y mga lilim ng mga bundukin, na parang mga lalake.
37. At nagsalita uli si Gaal, at nagsabi, Tignan mo, bumababa ang bayan sa kalagitnaan ng lupain, at isang pulutung ay dumarating sa daan ng encina ng Meonenim.
38. Nang magkagayo'y sinabi ni Zebul sa kaniya, Saan nandoon ngayon ang iyong bibig, na iyong ipinagsabi, Sino si Abimelech upang tayo'y maglingkod sa kaniya? hindi ba ito ang bayan na iyong niwalan ng kabuluhan? lumabas ka ngayon at lumaban sa kanila.
39. At lumabas si Gaal sa harap ng mga lalake sa Sichem, at lumaban kay Abimelech.
40. At hinabol ni Abimelech siya, at siya'y tumakas sa harap niya, at nabuwal ang maraming sugatan hanggang sa pasukan ng pintuang-bayan.
41. At si Abimelech ay tumahan sa Aruma: at pinalayas ni Zebul si Gaal at ang kaniyang mga kapatid, upang sila'y huwag tumahan sa Sichem.
42. At nangyari nang kinaumagahan, na ang baya'y lumabas sa parang; at kanilang isinaysay kay Abimelech.
43. At kaniyang kinuha ang bayan, at binahagi niya ng tatlong pulutong, at bumakay sa parang; at siya'y tumingin, at narito, ang bayan ay lumabas sa kabayanan; at siya'y bumangon laban sa kanila, at sila'y sinaktan niya.
44. At si Abimelech at ang mga pulutong na kasama niya ay nagsidaluhong at nagsitayo sa pasukan ng pintuan ng bayan: at ang dalawang pulutong ay nagsidaluhong doon sa lahat ng nasa bukid, at sila'y sinaktan nila.
45. At lumaban si Abimelech sa bayan nang buong araw na yaon; at sinakop ang bayan, at pinatay ang bayan na nasa loob niyaon: at iginiba ang kabayanan at hinasikan ng asin.
46. At nang mabalitaan yaon ng lahat ng mga lalake sa moog ng Sichem, ay pumasok sila sa kuta ng bahay ng El-berith.
47. At nasaysay kay Abimelech, na ang lahat ng mga tao sa moog ng Sichem ay nagpipisan.
48. At umahon si Abimelech sa bundok ng Salmon, siya at ang buong bayan na kasama niya; at sumunggab si Abimelech ng isang palakol sa kaniyang kamay, at pumutol ng isang sanga sa mga kahoy at itinaas, at ipinasan sa kaniyang balikat: at sinabi niya sa bayan na kasama niya, Kung ano ang makita ninyo na gawin ko, magmadali kayo, at gawin ninyo ang aking ginawa.
49. At ang buong bayan ay pumutol na gayon din ang bawa't lalake ng kanikaniyang sanga, at sumunod kay Abimelech, at ipinaglalagay sa kuta, at sinilaban ang kuta sa pamamagitan niyaon; na ano pa't ang lahat ng mga lalake sa moog ng Sichem ay namatay rin, na may isang libong lalake at babae.
50. Nang magkagayo'y naparoon si Abimelech sa Thebes, at humantong ng laban sa Thebes, at sinakop.
51. Nguni't may isang matibay na moog sa loob ng bayan, at doo'y nagsitakas ang lahat na lalake at babae at ang lahat na nasa bayan, at sinarhan, at nagsisampa sa bubungan ng moog.
52. At naparoon si Abimelech sa moog, at lumaban, at lumapit sa pintuan ng moog, upang sunugin ng apoy.
53. At hinagis ng isang babae, ng isang pangibabaw na bato ng gilingan ang ulo ni Abimelech at nabasag ang kaniyang bungo.
54. Nang magkagayo'y tinawag niyang madali ang bataang kaniyang tagadala ng almas, at sinabi niya sa kaniya, Kunin mo ang iyong tabak, at patayin mo ako, upang huwag sabihin tungkol sa akin ng mga tao, Isang babae ang pumatay sa kaniya. At pinalagpasan siya ng kaniyang bataan, at siya'y namatay.
55. At nang makita ng Israel na namatay si Abimelech, ay yumaon ang bawa't lalake sa kanikaniyang dako.
56. Ganito pinaghigantihan ng Dios ang kasamaan ni Abimelech, na kaniyang ginawa sa kaniyang ama, sa pagpatay ng kaniyang pitong pung kapatid:
57. At ang buong kasamaan ng mga lalake sa Sichem ay pinaghigantihan ng Dios sa kanilang mga ulo: at dumating sa kanila ang sumpa ni Jotham na anak ni Jerobaal.

Judges 10:1-18
1. At pagkamatay ni Abimelech ay bumangon doon, upang magligtas sa Israel, si Tola na anak ni Pua, na anak ni Dodo, na lalake ng Issachar; at siya'y tumahan sa Samir sa lupaing maburol ng Ephraim.
2. At siya'y naghukom sa Israel na dalawang pu't tatlong taon; at namatay, at inilibing sa Samir.
3. At pagkamatay niya'y bumangon si Jair, na Galaadita; at siya'y naghukom sa Israel na dalawang pu't dalawang taon.
4. At siya'y may tatlong pung anak na sumasakay sa tatlong pung asno, at sila'y may tatlong pung bayan na tinatawag na Havot-jair hanggang sa araw na ito, na nangasa lupain ng Galaad.
5. At namatay si Jair, at inilibing sa Camon.
6. At ginawa uli ng mga anak ni Israel ang kasamaan sa paningin ng Panginoon, at naglingkod sa mga Baal, at kay Astaroth, at sa mga dios sa Siria, at sa mga dios sa Sidon, at sa mga dios sa Moab, at sa mga dios ng mga anak ni Ammon, at sa mga dios ng mga Filisteo; at pinabayaan nila ang Panginoon, at hindi naglingkod sa kaniya.
7. At ang galit ng Panginoon ay nagalab laban sa Israel, at ipinagbili niya sila sa kamay ng mga Filisteo, at sa kamay ng mga anak ni Ammon.
8. At kanilang pinahirapan at pinighati ang mga anak ni Israel nang taong yaon: labing walong taong pinighati ang lahat ng mga anak ni Israel na nangasa dako roon ng Jordan sa lupain ng mga Amorrheo, na nasa Galaad.
9. At ang mga anak ni Ammon ay tumawid sa Jordan upang lumaban naman sa Juda, at sa Benjamin, at sa sangbahayan ni Ephraim; na ano pa't ang Israel ay totoong pinapaghinagpis.
10. At dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon, na sinasabi, Kami ay nagkasala laban sa iyo, sapagka't aming pinabayaan ang aming Dios, at kami ay naglingkod sa mga Baal.
11. At sinabi ng Panginoon sa mga anak ni Israel, Di ba pinapaging laya ko kayo sa mga taga Egipto, at sa mga Amorrheo, sa mga anak ni Ammon, at sa mga Filisteo?
12. Ang mga Sidonio man, at ang mga Amalecita, at ang mga Maonita ay pumighati rin sa iyo; at kayo'y dumaing sa akin, at pinapaging laya ko kayo sa kanilang mga kamay.
13. Gayon ma'y pinabayaan ninyo ako, at kayo'y naglingkod sa ibang mga dios: kaya't hindi ko na kayo palalayain.
14. Kayo'y yumaon at dumaing sa mga dios na inyong pinili; palayain kayo nila sa panahon ng inyong kapighatian.
15. At sinabi ng mga anak ni Israel sa Panginoon, Kami ay nagkasala: gawin mo sa amin anomang iyong mabutihin; isinasamo namin sa iyo, na iligtas mo lamang kami sa araw na ito.
16. At kanilang inihiwalay ang mga dios ng iba sa kanila, at naglingkod sa Panginoon: at ang kaniyang kaluluwa ay nagdalamhati dahil sa karalitaan ng Israel.
17. Nang magkagayon ang mga anak ni Ammon ay nagpipisan, at humantong sa Galaad. At ang mga anak ni Israel ay nagpipisan, at humantong sa Mizpa.
18. At ang bayan, at ang mga prinsipe sa Galaad, ay nagsangusapan, Sinong tao ang magpapasimulang lumaban sa mga anak ni Ammon? siya'y magiging pangulo ng lahat na taga Galaad.

Psalms 50:1-6
1. Ang makapangyarihang Dios, ang Dios na Panginoon, ay nagsalita, at tinawag ang lupa mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyaon.
2. Mula sa Sion na kasakdalan ng kagandahan, sumilang ang Dios.
3. Ang aming Dios ay darating at hindi tatahimik; isang apoy na mamumugnaw sa harap niya, at magiging totoong malaking bagyo sa palibot niya.
4. Siya'y tatawag sa langit sa itaas, at sa lupa upang mahatulan niya ang kaniyang bayan:
5. Pisanin mo ang aking mga banal sa akin; yaong nangakikipagtipan sa akin sa pamamagitan ng hain.
6. At ipahahayag ng langit ang kaniyang katuwiran; sapagka't ang Dios ay siyang hukom. (Selah)

Proverbs 14:25-27
25. Ang tapat na saksi ay nagliligtas ng mga tao: nguni't siyang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay nagdaraya.
26. Sa pagkatakot sa Panginoon ay may matibay na pagkakatiwala: at ang kaniyang mga anak ay magkakaroon ng dakong kanlungan.
27. Ang pagkatakot sa Panginoon ay bukal ng kabuhayan, upang humiwalay sa mga silo ng kamatayan.

Luke 16:1-31
1. At sinabi rin naman niya sa mga alagad, May isang taong mayaman, na may isang katiwala; at ito'y isinumbong sa kaniya na siya'y nagsisira ng kaniyang mga pag-aari.
2. At tinawag niya siya, at sa kaniya'y sinabi, Ano ito na nababalitaan ko tungkol sa iyo? magbigay sulit ka ng pagiging katiwala; sapagka't hindi ka na maaaring maging katiwala pa.
3. At sinabi ng katiwala sa kaniyang sarili, Anong gagawin ko, yamang inaalis sa akin ng panginoon ko ang pagiging katiwala? Magdukal ng lupa'y wala akong kaya; magpalimos ay nahihiya ako.
4. Nalalaman ko na ang gagawin ko, upang, kung mapaalis ako sa pagiging katiwala, ako ay matanggap nila sa kanilang mga bahay.
5. At pagtawag niya sa bawa't isa sa mga may utang sa kaniyang panginoon, ay sinabi niya sa una, Gaano ang utang mo sa aking panginoon?
6. At sinabi niya, Isang daang takal na langis. At sinabi niya sa kaniya, Abutin mo ang iyong kasulatan, at maupo kang madali at isulat mong limangpu.
7. Nang magkagayon ay sinabi niya sa iba, At ikaw, gaano ang utang mo? At sinabi niya, Isang daang takal na trigo. Sinabi niya sa kaniya, Abutin mo ang iyong kasulatan, at isulat mong walongpu.
8. At pinuri ng kaniyang panginoon ang lilong katiwala, sapagka't siya'y gumawang may katalinuhan: sapagka't ang mga anak ng sanglibutang ito, sa kanilang sariling lahi, ay matatalino kay sa mga anak ng ilaw.
9. At sinabi ko sa inyo, Makipagkaibigan kayo sa pamamagitan ng kayamanan ng kasamaan; upang, kung kayo'y magkulang, ay kanilang tanggapin kayo sa mga walang hanggang tabernakulo.
10. Ang mapagtapat sa kakaunti ay mapagtapat din naman sa marami: at ang di matuwid sa kakaunti ay di rin naman matuwid sa marami.
11. Kung kayo nga'y di naging mapagtapat sa masamang kayamanan, sino nga ang magkakatiwala sa inyo ng mga tunay na kayamanan?
12. At kung di kayo naging mapagtapat sa kayamanan ng iba, sino ang sa inyo'y magbibigay ng sa inyong sarili.
13. Walang aliping makapaglilingkod sa dalawang panginoon: sapagka't kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa; o di kaya'y magtatapat sa isa, at pawawalang halaga ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Dios at sa mga kayamanan.
14. At ang mga Fariseo, na pawang maibigin sa salapi, ay nangakikinig ng lahat ng mga bagay na ito; at siya'y tinutuya nila.
15. At sinabi niya sa kanila, Kayo ang nangagaaring-ganap sa inyong sarili sa paningin ng mga tao; datapuwa't nakikilala ng Dios ang inyong mga puso; sapagka't ang dinadakila ng mga tao ay kasuklamsuklam sa paningin ng Dios.
16. Ang kautusan at ang mga propeta ay nanatili hanggang kay Juan: mula noo'y ang evangelio ng kaharian ng Dios ay ipinangangaral, at ang bawa't tao ay pumapasok doon na nagpipilit.
17. Nguni't lubhang magaan pa ang mangawala ang langit at ang lupa, kay sa mahulog ang isang kudlit ng kautusan.
18. Ang bawa't lalaki na inihihiwalay ang kaniyang asawa, at magasawa sa iba, ay nagkakasala ng pangangalunya: at ang magasawa sa babaing inihiwalay ng kaniyang asawa ay nagkakasala ng pangangalunya.
19. Mayroon ngang isang taong mayaman, at siya'y nagdaramit ng kulay ube at maselang lino, at sa araw-araw ay kumakain ng sagana:
20. At isang pulubi na ang pangala'y Lazaro, lipos ng mga sugat, ay inilalagay sa kaniyang pintuan,
21. At naghahangad na mapakain ng mga mumo na nangahuhulog mula sa dulang ng mayaman; oo, at lumapit pati ang mga aso at hinihimuran ang kaniyang mga sugat.
22. At nangyari, na namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa sinapupunan ni Abraham: at namatay naman ang mayaman, at inilibing.
23. At sa Hades na nasa mga pagdurusa ay itiningin niya ang kaniyang mga mata, at natanaw sa malayo si Abraham, at si Lazaro ay nasa kaniyang sinapupunan.
24. At siya'y sumigaw at sinabi, Amang Abraham, maawa ka sa akin, at suguin mo si Lazaro, upang itubog niya sa tubig ang dulo ng kaniyang daliri, at palamigin ang aking dila; sapagka't naghihirap ako sa alab na ito.
25. Datapuwa't sinabi ni Abraham, Anak, alalahanin mo na ikaw ay tumanggap ng iyong mabubuting bagay sa iyong pamumuhay, at si Lazaro sa gayon ding paraan ay masasamang bagay: datapuwa't ngayon, ay inaaliw siya rini, at ikaw ay nasa kahirapan.
26. At bukod sa lahat ng ito, ay may isang malaking banging nakalagay sa pagitan namin at ninyo, upang ang mga magibig tumawid buhat dini hanggang sa inyo ay hindi maari, at gayon din walang makatawid mula diyan hanggang sa amin.
27. At sinabi niya, Ipinamamanhik ko nga sa iyo, ama, na suguin mo siya sa bahay ng aking ama;
28. Sapagka't ako'y may limang kapatid na lalake; upang sa kanila'y patotohanan niya, baka pati sila'y mangaparito sa dakong ito ng pagdurusa.
29. Datapuwa't sinabi ni Abraham, Nasa kanila si Moises at ang mga propeta; bayaang sila'y pakinggan nila.
30. At sinabi niya, Hindi amang Abraham: datapuwa't kung ang isang mula sa mga patay ay makaparoon sa kanila, sila'y mangagsisisi.
31. At sinabi niya sa kaniya, Kung di nila pinakikinggan si Moises at ang mga propeta, ay di rin mangahihikayat sila, kahit ang isa'y magbangon sa mga patay.