Bibliya sa isang taon
Mayo 26


1 Samuel 4:1-21
1. At ang salita ni Samuel ay dumating sa buong Israel, Ngayo'y lumabas ang Israel laban sa mga Filisteo upang makipagbaka, at humantong sa Ebenezer: at ang mga Filisteo ay humantong sa Aphec.
2. At ang mga Filisteo ay humanay laban sa Israel: at nang sila'y magsagupa, ang Israel ay nasaktan sa harap ng mga Filisteo; at kanilang pinatay sa hukbo sa parang, ay may apat na libong lalake.
3. At nang ang bayan ay dumating sa kampamento, ay sinabi ng mga matanda sa Israel, Bakit sinaktan tayo ngayon ng Panginoon sa harap ng mga Filisteo? Ating dalhin sa atin ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa Silo, upang mapasa gitna natin yaon, at iligtas tayo sa kamay ng ating mga kaaway.
4. Sa gayo'y nagsugo ang bayan sa Silo, at kanilang dinala mula roon ang kaban ng tipan ng Panginoon ng mga hukbo, na nauupo sa gitna ng mga querubin: at ang dalawang anak ni Eli, si Ophni at si Phinees, ay nandoon na binabantayan ang kaban ng tipan ng Dios.
5. At nang ang kaban ng tipan ng Panginoon ay pumasok sa kampamento, ang buong Israel ay humiyaw ng malakas na hiyaw, na ano pa't naghinugong sa lupa.
6. At nang marinig ng mga Filisteo ang ingay ng hiyaw, ay nagsipagsabi, Ano ang kahulugan ng ingay nitong malakas na hiyaw sa kampamento ng mga Hebreo? At kanilang natalastas na ang kaban ng Panginoon ay ipinasok sa kampamento.
7. At ang mga Filisteo ay nangatakot, sapagka't kanilang sinabi, Ang Dios ay pumasok sa kampamento. At kanilang sinabi, Sa aba natin! sapagka't hindi pa nagkakaroon ng ganyang bagay kailan man.
8. Sa aba natin! sino ang magliligtas sa atin sa kamay ng makapangyarihang mga dios na ito? ito ang mga dios na nanakit sa mga taga-Egipto ng sarisaring salot sa ilang.
9. Kayo'y magpakalakas at magpakalalake, Oh kayong mga Filisteo, upang kayo'y huwag maging mga alipin ng mga Hebreo, na gaya ng naging lagay nila sa inyo: kayo'y magpakalalake, at magsilaban.
10. At ang mga Filisteo ay nagsilaban, at ang Israel ay nasaktan, at tumakas ang bawa't isa sa kanila sa kaniyang tolda: at nagkaroon ng malaking patayan; sapagka't nabuwal sa Israel ay tatlong pung libong lalaking lakad.
11. At ang kaban ng Dios ay kinuha; at ang dalawang anak ni Eli, si Ophni at Phinees ay pinatay.
12. At tumakbo ang isang lalake ng Benjamin na mula sa hukbo, at naparoon sa Silo nang araw ding yaon, na may barong hapak at may lupa sa kaniyang ulo.
13. At nang siya'y dumating, narito, si Eli ay nakaupo sa kaniyang upuan sa tabi ng daan na nagbabantay; sapagka't ang kaniyang puso'y nanginginig dahil sa kaban ng Dios. At nang ang tao ay pumasok sa bayan, at saysayin ang mga balita, ang buong bayan ay humiyaw.
14. At nang marinig ni Eli ang ingay ng hiyawan, ay kaniyang sinabi, Ano ang kahulugan ng kaingay ng gulong ito? At ang tao'y nagmadali, at naparoon, at isinaysay kay Eli.
15. Si Eli nga'y may siyam na pu't walong taon na; at ang kaniyang mga mata'y malalabo na, siya'y di na makakita.
16. At sinabi ng lalake kay Eli, Ako yaong nanggaling sa hukbo, at ako'y tumakas ngayon mula sa hukbo. At kaniyang sinabi, Paano ang nangyari, anak ko?
17. At siya na nagdala ng mga balita ay sumagot at nagsabi, Ang Israel ay tumakas sa harap ng mga Filisteo, at nagkaroon din naman doon ng isang malaking patayan sa gitna ng bayan, at pati ng iyong dalawang anak, si Ophni at si Phinees ay patay na, at ang kaban ng Dios ay kinuha.
18. At nangyari, nang kaniyang banggitin ang kaban ng Dios, na siya'y nabuwal sa likuran sa kaniyang upuan sa dako ng pintuang-bayan; at nabalian siya sa leeg, at siya'y namatay: sapagka't siya'y lalaking matanda at mabigat. At hinatulan niya ang Israel na apat na pung taon.
19. At ang kaniyang manugang, na asawa ni Phinees, ay buntis na kagampan: at pagkarinig niya ng balita na ang kaban ng Dios ay kinuha, at ang kaniyang biyanan at kaniyang asawa ay patay na, ay yumukod siya at napanganak; sapagka't ang kaniyang pagdaramdam ay dumating sa kaniya.
20. At nang mamatay na siya, ay sinabi sa kaniya ng mga babaing nakatayo sa siping niya, Huwag kang matakot; sapagka't ikaw ay nanganak ng isang lalake. Nguni't hindi siya sumagot, o inalumana man niya.
21. At ipinangalan niya sa bata ay Ichabod, na sinasabi, Ang kaluwalhatian ay nahiwalay sa Israel; sapagka't ang kaban ng Dios ay kinuha, at dahil sa kaniyang biyanan at sa kaniyang asawa.

1 Samuel 5:1-12
1. Kinuha nga ng mga Filisteo ang kaban ng Dios, at kanilang dinala sa Asdod mula sa Eben-ezer.
2. At kinuha ng mga Filisteo ang kaban ng Dios at ipinasok sa bahay ni Dagon, at inilagay sa tabi ni Dagon.
3. At nang bumangong maaga ang mga taga Asdod ng kinaumagahan, narito, si Dagon ay buwal na nakasubasob sa lupa sa harap ng kaban ng Panginoon. At kanilang kinuha si Dagon, at inilagay siya uli sa dako niyang kinaroroonan.
4. At nang sila'y bumangong maaga ng kinaumagahan, narito, si Dagon ay buwal na nakasubasob sa lupa sa harap ng kaban ng Panginoon; at ang ulo ni Dagon at gayon din ang mga palad ng kaniyang mga kamay ay putol na nasa tayuan ng pintuan; ang katawan lamang ang naiwan sa kaniya.
5. Kaya't ang mga saserdote man ni Dagon, o ang sinomang nanasok sa bahay ni Dagon, ay hindi itinutungtong ang paa sa tayuan ng pintuan ni Dagon sa Asdod, hanggang sa araw na ito.
6. Nguni't ang kamay ng Panginoon ay bumigat sa mga taga Asdod, at mga ipinahamak niya, at mga sinaktan ng mga bukol, sa makatuwid baga'y ang Asdod at ang mga hangganan niyaon.
7. At nang makita ng mga lalake sa Asdod na gayon, ay kanilang sinabi, Ang kaban ng Dios ng Israel ay huwag matirang kasama natin; sapagka't ang kaniyang kamay ay mabigat sa atin, at kay Dagon ating dios.
8. Sila'y nagsugo nga at nagpipisan ang lahat ng mga pangulo ng mga Filisteo sa kanila at sinabi, Ano ang ating gagawin sa kaban ng Dios ng Israel? At sila'y sumagot, Dalhin sa Gath ang kaban ng Dios ng Israel. At kanilang dinala roon ang kaban ng Dios ng Israel.
9. At nangyari, na pagkatapos na kanilang madala, ang kamay ng Panginoon ay naging laban sa bayan, na nagkaroon ng malaking pagkalito: at sinaktan niya ang mga tao sa bayan, ang maliit at gayon din ang malaki; at mga bukol ay sumibol sa kanila.
10. Sa gayo'y kanilang ipinadala ang kaban ng Dios sa Ecron. At nangyari, pagdating ng kaban ng Dios sa Ecron, na ang mga Ecronita ay sumigaw, na nagsasabi, Kanilang dinala sa atin ang kaban ng Dios ng Israel, upang patayin tayo at ang ating bayan.
11. Pinasuguan nga nilang magpipisan ang lahat ng pangulo ng mga Filisteo, at kanilang sinabi, Ipadala ninyo ang kaban ng Dios ng Israel, at ipabalik ninyo sa kaniyang sariling dako, upang huwag kaming patayin at ang aming bayan. Sapagka't nagkaroon ng panglitong ikamamatay sa buong bayan: ang kamay ng Dios ay totoong bumigat doon.
12. At ang mga lalaking hindi namatay ay nasaktan ng mga bukol; at ang daing ng bayan ay umabot sa langit.

Awit 54:1-7
1. Iligtas mo ako, Oh Dios, sa pamamagitan ng iyong pangalan. At hatulan mo ako sa iyong kapangyarihan.
2. Dinggin mo ang aking dalangin, Oh Dios; pakinggan mo ang mga salita ng aking bibig.
3. Sapagka't ang mga tagaibang lupa ay nagsibangon laban sa akin, at ang mga mangdadahas na tao ay nagsisiusig ng aking kaluluwa: hindi nila inilagay ang Dios sa harap nila. (Selah)
4. Narito, ang Dios ay aking katulong: ang Panginoon ay sa kanila na nagsisialalay ng aking kaluluwa.
5. Kaniyang ibabalik ang kasamaan sa aking mga kaaway: gibain mo sila sa iyong katotohanan.
6. Ako'y maghahain sa iyo ng kusang handog: ako'y magpapasalamat sa iyong pangalan, Oh Panginoon, sapagka't mabuti.
7. Sapagka't iniligtas niya ako sa lahat ng kabagabagan; at nakita ng aking mata ang aking nasa sa aking mga kaaway.

Kawikaan 15:12-13
12. Ayaw ang manglilibak na siya'y sawayin. Siya'y hindi paroroon sa pantas.
13. Ang masayang puso ay nagpapasaya ng mukha: nguni't sa kapanglawan ng puso ay nababagbag ang diwa.

Lucas 21:1-19
1. At siya'y tumunghay, at nakita ang mga taong mayayaman na nangaghuhulog ng kanilang mga alay sa kabangyaman.
2. At nakita niya ang isang dukhang babaing bao na doo'y naghuhulog ng dalawang lepta.
3. At sinabi niya, Sa katotohana'y sinasabi ko sa inyo, Ang dukhang babaing baong ito ay naghulog ng higit kay sa kanilang lahat.
4. Sapagka't ang lahat ng mga yaon ay nangaghulog sa mga alay ng sa kanila'y labis; datapuwa't siya, sa kaniyang kasalatan ay inihulog ang buong kaniyang ikabubuhay na nasa kaniya.
5. At samantalang sinasalita ng ilan ang tungkol sa templo, kung paanong ito'y pinalamutihan ng magagandang bato at mga hain, ay kaniyang sinabi,
6. Tungkol sa mga bagay na ito na inyong nangakikita, ay darating ang mga araw, na walang maiiwan ditong isang bato sa ibabaw ng kapuwa bato, na hindi ibabagsak.
7. At kanilang itinanong sa kaniya, na sinasabi, Guro, kailan nga mangyayari ang mga bagay na ito? At ano ang magiging tanda pagka malapit ng mangyari ang mga bagay na ito?
8. At sinabi niya, Mangagingat kayo na huwag kayong mangailigaw: sapagka't marami ang paririto sa aking pangalan, na mangagsasabi, Ako ang Cristo; at, Malapit na ang panahon: huwag kayong magsisunod sa kanila.
9. At pagka kayo'y nangakarinig ng mga digmaan at mga kaguluhan, ay huwag kayong mangasindak: sapagka't kinakailangang mangyari muna ang mga bagay na ito; datapuwa't hindi pa malapit ang wakas.
10. Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanila, Magtitindig ang isang bansa laban sa bansa, at ang isang kaharian laban sa kaharian;
11. At magkakaroon ng malalakas na lindol, at sa iba't ibang dako ay magkakagutom at magkakasalot; at magkakaroon ng mga bagay na kakilakilabot, at ng mga dakilang tanda mula sa langit.
12. Datapuwa't bago mangyari ang lahat ng mga bagay na ito, ay huhulihin kayo, at paguusigin kayo, na kayo'y ibibigay sa mga sinagoga at sa mga bilangguan, na kayo'y dadalhin sa harapan ng mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan.
13. Ito'y magiging patotoo sa inyo.
14. Pagtibayin nga ninyo ang inyong mga puso, na huwag munang isipin kung paano ang inyong isasagot:
15. Sapagka't bibigyan ko kayo ng isang bibig at karunungan, na hindi mangyayaring masalangsang o matutulan man ng lahat ninyong mga kaalit.
16. Datapuwa't kayo'y ibibigay ng kahit mga magulang, at mga kapatid, at mga kamaganak, at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang iba sa inyo.
17. At kayo'y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan.
18. At hindi mawawala kahit isang buhok ng inyong ulo.
19. Sa inyong pagtitiis ay maipagwawagi ninyo ang inyong mga kaluluwa.